Sa mahigit tatlong daang taon, matatag na nakatayo ang Simbahan ng San Santiago Apostol sa bayan ng Paete, Laguna, hindi lamang bilang isang gusaling bato, kundi bilang isang buhay na saksi sa pananampalataya, kultura, at kasaysayan ng sambayanang Paeteño.
Itinayo noong 1717, ang simbahan ay kabilang sa pinakamatatandang simbahan sa bansa, at kinikilala bilang National Heritage Site, National Historical Site, at National Cultural Treasure. Sa loob ng higit tatlong siglo, naging tahanan ito ng mga mahahalagang okasyon at yugto ng buhay ng mga mamamayan, mula binyag, kumpil, kasal, hanggang sa mga misa ng pagdadalamhati at pag-asa. Dito rin taun-taong ipinagdiriwang ang mga mahalagang pista ng Mahal na Araw, Flores de Mayo, Pasko, at ang kapistahan ng Patrong si San Santiago Apostol.
Ngunit sa paglipas ng panahon, hindi naiwasang masalanta ng kalikasan ang makasaysayang estruktura. Noong Hulyo 24, 2021, isang malakas na lindol ang nagdulot ng pinsala sa kampanaryo, choir loft, at baptisteryo ng simbahan. Sa pagsusuri ng Diocesan Commission on Property ng Diyosesis ng San Pablo, at ng National Historical Commission of the Philippines, agad itong kinilalang seryosong banta sa kaligtasan ng sinumang gagamit ng nasabing bahagi ng simbahan. Subalit dala ng pandemya sa panahong iyon, pansamantalang ipinatigil ang pondong nakalaan para sa mga restoration projects upang bigyang-prayoridad ang laban sa COVID-19.
Sa harap ng ganitong pagsubok, ipinamalas ng Parokya at ng sambayanang Paeteño ang di-matatawarang pagkakaisa at pananampalataya. Ipinanganak ang Project Ayukod, isang proyektong nakaugat sa salitang “Ayukod,” na tumutukoy sa matandang tradisyon sa Paete kung saan may mga taong sumusuporta at tumutulong sa mga nagpapasan ng mga andas ng mga imahen tuwing prusisyon. Ang taga-ayukod ay hindi bida, ngunit siya ang tahimik na lakas na nagpapagaan ng bigat ng pasanin. Sa diwang ito, naging simbolo ang Project Ayukod ng isang bayan na handang tumulong, mula sa pinakamaliit na ambag hanggang sa pinakamasigasig na pagkilos.
Ang proyekto, na may kabuuang halagang mahigit ₱2.4 milyon, ay sinimulang itaguyod sa gitna ng pandemya. Sa loob ng halos apat na taon, unti-unti itong naisakatuparan sa pamamagitan ng iba't ibang makabagbag-damdaming aktibidad: Alay Parol, Hapag ni Tiago, Dinner for a Cause, Ginang ng Parokya, Batang Tiago, Hapag ni tiago, at iba pang mga gawaing naghatid hindi lamang ng pondo, kundi ng diwa ng malasakit at pagbubuklod.
Ang lahat ng ito ay naisakatuparan hindi dahil sa isang indibidwal, kundi dahil sa sama-samang ayukod ng bawat Paeteño, kabataan, matatanda, pamilya, organisasyon, dating residente at maging mga kaibigan ng bayan. Sa loob lamang ng anim na buwan, matapos makumpleto ang pondo, muling naitindig ang matibay at mas ligtas na kampanaryo.
Ngayong darating na Hulyo 25, 2025, sa kapistahan ng ating mahal na patron na si San Santiago Apostol, ay opisyal nang babasbasan at ibabalik sa serbisyo ang naisaayos na kampanaryo , hindi lamang bilang bahagi ng gusali, kundi bilang panibagong simbolo ng pananampalataya at pag-asa.
Sa pagtatapos ng proyektong ito, dala natin ang isang mahalagang aral: ang simbahan ay hindi lamang gawa sa bato at semento, ito ay binubuo ng mga taong may pananampalataya, malasakit, at pagmamahal sa kasaysayan at tradisyon. Ang kwento ng Project Ayukod ay kwento ng bayan, ng bawat taong tumulong, ng bawat dasal, at ng bawat sentimong isinakripisyo para sa isang layuning higit pa sa sarili.
Ito ay kwento ng mga tunay na taga-ayukod, ng kasaysayan, sining, at pananampalataya. Nawa'y hindi ito maging huli, kundi umpisa pa lamang ng mas marami pang sama-samang pagkilos para sa ating simbahan at bayan.
Sa bawat tunog ng kampana, maalala nawa natin: tayo ay iisang simbahan, iisang katawan ni Kristo, at iisang sambayanang may kakayanang itindig ang kahit anong bumagsak, basta’t tayo ay sama-sama.