
ALAMINOS, LAGUNA — Muling nagkatipon ang mga namimintuho sa Mahal na Birhen ng Pilar sa Simbahan ng Alaminos upang ipagdiwang ang Fiesta Del Pilar 2025 mula Oktubre 3 hanggang Oktubre 12.
Ang pinakatampok na bahagi ng sampung araw na pagdiriwang ay ang Misa Mayor na ini-alay ng Lubhang Kagalang-galang Marcelino Antonio Maralit, Jr., DD, Obispo ng San Pablo, noong Oktubre 12, araw ng Dakilang Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Pilar. Sa simula ng pagdiriwang, ini-alay ng mga Hermanos Mayores ng taon ang isang bagong manto para sa Mahal na Birhen. Ito ay binasbasan ng Obispo Maralit at pagkatapos ay ikinabit sa Santa Pilar ng Birhen sa tulong ni Mons. James A. Contreras, Kura Paroko. Pagkatapos nito ay pinangunahan ng obispo ang pananalangin sa Mahal na Birhen.
Sa kanyang homiliya, binigyang-diin ng Obispo Maralit na ang ating Mahal na Inang Birheng Maria sa ating kamalayan at pananampalataya ay laging pinagpala sa dalawang dahilan, una ay sapagkat Siya ang Ina ng Emmanuel, ang Diyos na kasama natin. Ang pangalawa ay dahil Siya ang pinaka sumunod sa kalooban ng Diyos. Nagpaalala rin ang obispo, “Let us learn, let us imitate, let us be blessed with Her prayers. She is not the source of grace, only God, but a special woman like Her; can ask for grace in a special manner”.

Bukod sa Misa Mayor ng 9:30 ng umaga, tuloy-tuloy pa ring napuno ang Simbahan para sa mga Misa na ini-alay nina Mons. Jerry V. Bitoon, Rektor at Kura Paroko ng Cathedral Parish of St. Paul the First Hermit (6:30 ng umaga), P. Ricardo D. De Luna, Bikaryo-Heneral ng Diyosesis ng San Pablo at Kura Paroko ng Parokya ng San Roque (8:00 ng umaga), P. Renato C. Bron, MF ng San Pedro Calungsod Mission Station (3:00 ng hapon), at ni P. Emil A. Urriquia, Rektor at Kura Paroko ng National Shrine of St. Anthony of Padua (5:00 NH).
Sa kanyang pasasalamat, nabanggit ni Mons. Contreras na napapansin ng mga pari at mga obispong nag-alay ng Santa Misa ang dami ng mga taong dumalo at sa mga Misa-Nobena. “Ganito po kami sa Alaminos, hindi man kami “shrine” ay para kaming de facto na lugar ng debosyon, ito ang aming patuloy na binubuo, na palalimin ang debosyon sa Mahal na Birhen”.
Ang pinakahuling gawain sa gabi ng Dakilang Kapistahan ay ang Maringal na Prusisyon sa karangalan ng Mahal na Birhen, kasama ang mga santo-patron ng mga barangay na nasasakupan ng Parokya.
Paghahanda para sa Fiesta Del Pilar
Noong Oktubre 3 ay sinimulan ang tradisyunal na Nobena sa Karangalan ng Patrona na pinamunuan ng iba’t-ibang mga bisitang-pari kasama ang mga BECs at mga organizations ng Parokya. Isa sa mga naging punong tagapagdiwang ang Lubhang Kagalang-galang Reynaldo G. Evangelista, DD, Obispo ng Imus, na siyang nag-alay ng ikatlong Misa-Nobena.
Ang Nobena ay nagtapos sa Prusisyon ng Pagsundo at Karakol ng Birhen at sa Santa Misa na ini-alay ng Lubhang Kagalang-galang Leo M. Drona, SDB, DD, Obispo Emerito ng San Pablo. Sa katapusan ng Misang ito, binasbasan ang bagong Santa Pilar ng Birhen na gumugunita sa ugnayan ng Parokya at ng Zaragoza na pormal na ipinahayag noong nakaraang taon. Gawa sa tanso at pilak, ang Santa Pilar ay hinango mula sa disenyo ng orihinal na nasa Zaragoza, Espanya, ngunit nilagyan ng mga palamuting hango sa buhay at debosyon ng mga taga-Alaminos. Makikita rito ang apat na sagisag: ang sa Cabildo Metropolitano ng Zaragoza, ng Diyosesis ng San Pablo, ng Parokya, at ng Bayan ng Alaminos. Makikita rin ang mga pangunahing inaani ng bayan na niyog, rambutan, at lanzones. Tampok din ang sampaguita, calachuchi, rosas, at lirio, na kalimitang inihahandog ng mga taga-Alaminos sa Birhen.
Binasbasan at pinasinayaan din ang isang bagong reliquario para sa orihinal na manto ng Mahal na Birhen. Makikita naman dito ang 16 na sagisag ng mga Patron ng mga barangay ng Alaminos.

Bago pa man simulan ang nobenaryo, makikita sa Facebook account ng Parokya ang isang seryeng tinatawag na “Kwentong Pilarista”. Ito ay pagkakataon para sa ilang mga deboto na
ibahagi ang kanilang mga karanasan kung paanong ang Mahal na Birhen ay nagiging katuwang nila upang makatanggap ng biyaya at pag-asa mula sa Diyos.
Ngayong Taon ng Hubileyo 2025, ang naging tema ng mga pagdiriwang ay “Ipakita mo sa amin ang iyong Anak na si Hesus”. Hango sa panalangin na “Aba po”, ipinapakita ng mga katagang ito ang katotohanang walang ibang gagawin ang Mahal na Birhen kung hindi akayin tayo patungo kay Hesus, ang bukal ng pag-asang hindi bumibigo sa atin.